Muli na namang nagpamalas ng kabayanihan ang isang Philippine Coast Guard (PCG) personnel matapos masiguro ang ligtas na pagsilang ng sanggol sa loob ng palikuran ng isang RoRo vessel sa Pasacao Port, Camarines Sur kahapon, ika-27 ng Abril 2021.

Nagsasagawa ng pre-departure inspection ang PCG team nang malaman ang insidente. Agad na pinuntahan ni Seaman Second Class (SN2) Vincent Adrian Junior Balamban ang buntis na pasahero ng MV Virgen de Peñafrancia na idinadaing ang matinding paghilab ng kaniyang tiyan. Naabutan niya ito sa loob ng palikuran ng nabanggit na RoRo vessel.

Ayon kay Jemalyn Bello, 29 na taong gulang, hindi niya akalaing manganganak siya habang bumibiyahe pauwi ng San Pascual, Masbate dahil pitong buwan pa lang niyang ipinagbubuntis ang kaniyang anak.

Sa tulong ni SN2 Balamban na isa ring registered midwife, ligtas na naisilang ang batang lalaki sa loob mismo ng palikuran ng RoRo vessel na pinangalanang "Baby Franco".

Pagkatapos nito, agad na dinala ang mag-ina sa Bicol Medical Center para mabigyan ng karagdagang tulong medikal, sa tulong na rin ng Pasacao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Lubos naman ang pasasalamat ni Bello sa mabilis na pagresponde ng Pasacao MDRRMO at PCG, lalo na kay SN2 Balamban na siniguro kaligtasan ng kaniyang anak.