MENU

Iniligtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang mangingisda matapos palubugin ng ipo-ipo ang kanilang bangka sa katubigan ng Maasim, Sarangani noong ika-03 ng Hulyo 2021.

Ayon kina Jolo Sobiano (30 taong gulang) na sakay ng MBCA JIO at Jovanie Aporto (26 na taong gulang) na sakay ng MBCA HELENA, nagulat sila nang may namuong ipo-ipo malapit sa katubigan kung saan sila nangingisda.

Agad na rumesponde ang search and rescue (SAR) team ng Coast Guard Sub-Station Maasim at tatlong lokal na mangingisda para mailigtas sina Sobiano at Aporto na pawang mga residente ng Barangay Ladol, Alabel, Sarangani.

Matapos ang matagumpay na SAR operation, inihatid ang mga mangingisda sa Barangay Tinoto, Maasim, Sarangani para mabigyan ng karagdagang tulong.