MENU

Isang Philippine Coast Guard (PCG) personnel ang nakahanap at nagsauli ng nawawalang laptop ng isang pasahero ng MV Star Hose 11 sa Magdiwang Port, Magdiwang, Romblon kahapon, ika-11 ng Nobyembre 2021.

Habang nagpapanatili ng seguridad malapit sa naturang barko, napansin ni CG Apprentice Seaman (ASN) Anthony R Amado ng PCG Sub-Station Magdiwang ang isang maliit na bag na tila napabayaan ng may-ari nito.

Nang malamang laptop ang laman ng naturang bag, agad siyang nakipag-koordinasyon sa kapitan ng MV Star Horse 11 para mahanap ang may-ari nito.

Sa anunsyong isinagawa gamit ang public address (PA) system, nagpakilala ang 47-taong-gulang na si Diosdado Castillo bilang may-ari ng nawawalang laptop. Ibinigay ito sa kanya matapos makumpirmang siya nga ang may-ari nito.

Lubos na nagpasalamat si Castillo sa katapatang ipinamalas ni CG ASN Amado.