MENU

Na-recover na ng joint search and retrieval (SAR) team ang katawan ng limang batang nalunod habang naliligo sa Taal Lake, partikular sa bahagi ng Barangay Looc, Balete, Batangas.

Naganap ang insidente kahapon ng tanghali, ika-03 ng Mayo 2022.

Ayon sa MDRRMO Balete, nakatira ang mga biktima sa Barangay Sto. Toribio, Lipa City, Batangas.

Agad na nag-deploy ng divers ang Philippine Coast Guard (PCG) para magsagawa ng underwater search, habang isa pang grupo ng PCG SAR team ay katuwang naman ng MDRRMO Balete at LGU sa pagsasagawa surface search.

Bandang 5:00 p.m. kahapon, na-recover ang katawan ng dalawang biktima – 12 taong gulang na babae at walong taong gulang na babae. Nakita sila ng joint SAR team 10 metro mula sa baybay-dagat.

Kaninang mag-a-alas otso ng umaga, na-recover naman ang katawan ng dalawa pang kabataan – walong taong gulang na lalaki at pitong taong gulang na lalaki. Nakita sila ng joint SAR team 10 metro mula sa lugar kung saan nakita ang mga labi ng dalawang biktima kahapon.

Bago mag-10:00 a.m. ngayong araw, ika-04 ng Mayo 2022, natagpuan naman ng joint SAR team ang katawan ng huling batang nalunod sa katubigan ng Taal Lake – sampung taong gulang na lalaki.

Dinala ang kanilang mga labi sa San Fernando Funeral Homes sa Barangay Marawoy, Lipa City, Batangas.